Monday, July 27, 2009

Bulag (Blind)



Story by: Job O. Asis
Illustrated by: Carlo Andrew R. Ferrer

Sina Ka Beloy at Aling Ana ay nakatira sa tagpi-tagping barung-barong sa gilid ng pader ng isang abandonadong malaking bahay. Si Ka Beloy ay isang bulag na halos araw-araw ay namamalimos sa tabi ng simbahan o di kaya umiikot sa palengke habang inaalalayan ng asawang si Aling Ana. Mayroon silang anak na mag-aapat na taong gulang na si Boy na parating akay akay rin ni aling Ana.

Napakalikot ni Boy. Balita ko'y makailang-ulit na itong pinagkamuntikang masagasaan ng sasakyan dahil sa kakulitan. Sya rin ay madalas na pinagkakatuwaan ng mga nagtitinda dahil sa kadaldalan kahit bilot pa itong magsalita. Bagamat sya ang nagpapasaya sa mag-asawa at mga nagtitinda sa harap ng simbahan at palengke at itinuturing syang pabigat at dagdag alalahanin ni Aling Ana.

Sa halos araw-araw na pagkakasalubong ko sa mag-anak na iyon ay kilalang-kikaka na nila ako dahil madalas kong naabutan ng barya, pagkain o mumurahing laruan si Boy, Tuwang-tuwa ako kapag naririnig ang boses niyang "Kuya, pengeng pito"

Isang araw ay nakita kong pinapalo ni Aling Boy. Pawis na pawis na ito sa kaiiyak habang panay ang salag sa patpat na pamalo ng ina.

"Ikaw talaga, pulos ka sakit ang ulo ibinibigay mo sa akin, napakakulit mo. Sino nagsabi sau na lambitinan mo yung garapon ng kendi? Nabasag tuloy, hindi natin kayang bayaran yun. Ikaw ang ipambabayad ko. Bakit di mo na lang tulungan ang tatay mong namamalimos, may pakinabang kapa." Ang nanggagalaiting sigaw ng ina.

Pagkaraan ng may isang linggo ay napansin kong di kasama si boy ng mag asawa sa pamamalimos. May sakit daw ito at naiwan sa bahay nila. Balak ko sana syang dalawin pero biglaang umuwi ako sa probinsya. Pagbalik ko makaraan ang dalawang linggo, at may himig pag-aalala na naitanong ko kay Aling Ana.

Asan ho si Boy?, Kumusta na ho sya?

Ito katabi ko at naghahanap buhay na rin. Mahina kasi ang KITA KUNG HINDI BULAG. Ang sagot si Ka Beloy.

Ang umugong na balibalita ay sinadyang bulagin ng mag-asawa ang kanilang anak habang ito ay natutulog upang hindi na sya maging layasin, makulit at sa palagay nila ay marami ang maawang magbigay sa kanya ng limos dahil sa kanyang pagiging bulag.

Ayon sa may-akda:

May mga taong ay tinitignan ay kung ano ngayon at wala silang pakialam sa kinabikasan. Tulad ni Aling Ana at Ka Beloy, ang isang malikot na bata ay itinuturing nilang malikot at walang silbi. Mas gusto nila itong bulagin upang makatulong lang sa kanilang pamamalimos. Hindi man lang nila naiisap na kung hindi sana nila sinira ang kinabukasan ni Boy ay baka sya ang mag-aahon sa kanila sa pagiging pulubi.

Iilang taon nalang ang nalalabi sa pananatili sa mundo ni Ka Beloy at Aling Ana. Paano na ang magiging buhay ni Boy kung wala na sila at walang ibang taong magmamalasakit sa kanya?

Bilang mga magulang ay tungkulin natin ang hubugin sa tamang pag-uugali ang ating mga anak at turuan sila ng tamang direksyon sa buhay. kailangan nila ang suporta para matupad ang kanilang pangarap sa buhay. Kaya habang bata pa sila ay hindi dapat na ipasa ang bigat ng responsibilidad tulad ng paghahanap buhay.

No comments: